NFA nangangilangan ng dagdag na pondo, para mabili ang palay ng mga magsasaka

by Erika Endraca | September 6, 2019 (Friday) | 26789

MANILA, Philippines – Nangangailangan ang National Food Authority (NFA) ng dagdag na pondo para mas maraming palay ang mabili mula sa mga lokal na magsasaka.

Ayon kay NFA Administrator Judy Dansal, may nakalaang P7-B pondo ang ahensya para ipambili ng palay. Pero kailangan aniya nila ng P13.2-B  para mabuo ang 30 araw na imbak ng bigas.

Base sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagbaba ng presyo ng palay ay bilhin ang lahat ng mga ani ng mga magsasaka sa halagang may kita na ang mga ito.

“So ang solusyon diyan, bilhin natin. And malugi tayo. Lugi tayo. Bakit tayo nagkokolekta ng taxes? Para malugi. Para makatulong ka.” ani Pres. Rodrigo Duterte .

Pero ayon sa NFA, hindi naman nila kayang solohin ang pagbili ng kabuoang ani ng palay sa bansa kundi kailangan ang tulong lalo na ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay NFA Administrator Judy Dansal, bibilhin na nila kahit ang mga palay na kakaani pa lamang sa halagang halos P14 kada kilo. Kada taon ay nasa 380 milyong sako ng palay ang inaani sa bansa kung saan 3% lamang nito ang nabibili ng NFA. Kung bibilhin ito ng P14 kada kilo, ay mangangailangan ng P266-B ang ahensya.

“Paghahatian na namin yang production na yan dahil talagang hindi kaya ng puro NFA lang” ani NFA Administrator Judy Dansal.

Sa ngayon ay may 30 lalawigan na ang tumugon sa panawagan ng Department of Agriculture (DA) na bilhin ang ani ng mga magsasaka sa kanilang mga nasasakupan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: