METRO MANILA – Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang National Food Authority (NFA), Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), at Philippine Confederation of Grains Associations (PhilCongrains).
Napagkasunduan ng mga sektor ng agrikultura na bilhin sa mga lokal na magsasaka ang kanilang palay sa mas mataas na halaga kaysa sa kasalukuyang presyo nito.
Ito’y upang makabawi ang mga lokal na magsasaka bunsod na rin ng tumataas na gastos sa pagtatanim ng palay kasunod ng pagmahal ng farm inputs gaya ng abono.
Ayon kay Rosendo So, ang Chairman ng grupong SINAG, plano nilang bumili ng nasa 7.5 million metric tons ng mga palay sa mga lokal na magsasaka.
Bibilhin aniya ng millers at traders sa kanilang hanay ng P19 – P20 per kilo ang dried palay habang P16.50 naman ang wet palay na mas mataas ng P3 kumpara sa kasalukuyang presyo ng palay sa mga probinsya.
Tiniyak naman ng SINAG na kahit bilhin nila ito ng mas mataas na presyo, mananatili pa rin hanggang sa P38 ang retail price ng bigas na mas mababa ng P4 kumpara sa imported na umaabot ng P42 kada kilo.
Ang National Food Authority naman magpapahiram ng kanilang mga warehouses sa mga miller at trader na mamumuhunan upang bilhin ang mga palay sa mas mataas na halaga mula sa mga lokal na magsasaka.
Nasa 4 to 5% naman ng lokal na produksyon ng palay ang bibilhin ng NFA sa halagang P19 kada kilo.
Batay sa pagtaya ng SINAG, nasa 1.5 million na mga magsasaka ang makikinabang sa ganitong proyekto.
Mas magiging kapakipakibang din anila ito upang hikayatin ang mga lokal na magsasaka na ipagpatuloy ang pagtatanim ng palay dito sa bansa.
(JP Nuñez | UNTV News)