NCRPO, nagbabala sa mga magtitinda ng ilegal na paputok sa Metro Manila

by Erika Endraca | December 25, 2019 (Wednesday) | 4005

METRO MANILA – Magpapatupad ng mahigpit na monitoring at inspection ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga ititindang paputok sa Metro Manila .

Itoy upang maiwasan ang pinsalang dulot ng paputok sa pagpapalit ng taon.

Ayon kay NCRPO Acting Director PBGen. Debold Sinas, uumpisahan na ng NCRPO ang inspeksyon sa mga itinitindang paputok sa Metro Manila upang hindi malusutan ng mga ilegal na paputok sa merkado

Nagbabala din si Sinas na kukumpiskahin at kakasuhan ang sino mang mahuhuling nagtitinda ng ilegal na paputok.

“Mag check ng mga nagbebenta ng firecrackers titingnan kung kumpleto ang mga papel at may permit yung mga gumagawa ng mga firecrackers” ani NCRPO Acting Director, PBGen. Debold Sinas.

Kabilang sa mga bawal na paputok ay ang mga naglalaman ng higit 1/3 na kutsarita ng pulbura, mga sobrang laki, sobrang iksi o sobrang habang fuse o mitsa, mga imported at walang label at ang mga may halong sulphur at phosporous.

Halimbawa ng mga paputok na ito ay ang : Piccolo, Super Lolo, Atomic Triangle, Large Judas Belt, Large Bawang, Pillbox, Bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Coke In Can, Atomic Bomb, Five Star, Pla-Pla, Giant Whistle Bomb, at Kabasi. Bawal din ang Watusi kahit na maliit lamang ito.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: