Pasado ala una kaninang madaling araw ng mag-ikot sa ilang police station at police community precincts sa Maynila, Mandaluyong at Pasay City si NCRPO Chief Superintendent Guillermo Eleazar.
Nais ng heneral na makita ang kalagayan ng mga pulis at ang mga pasilidad nito. Pinagbilinan ng heneral ang mga nakaduty pulis na panatilihing malinis ang kanilang lugar.
Pero pagdating sa presinto sa may CCP Complex sa Pasay City, hindi hinarap si Eleazar ng PCP commander na si Police Chief Inspector Allan Estrada at nakalock ang kwarto nito.
Ilang ulit kinatok ni Eleazar ang kwarto ng opisyal subalit walang sumasagot. Itinuro naman ng isang pulis ang backdoor ng kwarto.
Bukas ang pinto at pagpasok sa loob, wala rito si Estrada subalit nasa higaan nito ang tatlong baril, mga bala at ang kaniyang pitaka.
Dumating din sa presinto ang hepe ng Pasay City police na si Police Senior Superintendent Noel Flores.
Tinawagan nito si Estrada subalit nakapatay ang telepono nito. Dahil sa insidente, ni-relieve sa pwesto si Estrada upang sumailalim sa imbestigasyon at kasama ring iimbestigahan ang dalawang pulis na nadatnan sa presinto.
Ayon kay Eleazar, itutuloy-tuloy nito ang pagsasagawa ng surprise inspection na sinimulan ni PNP Chief Oscar Albayalde.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: NCRPO, Pasay city, surprise inspection