NCR Plus, inilagay na sa MECQ simula April 12-30

by Erika Endraca | April 12, 2021 (Monday) | 2103

METRO MANILA – Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 na ilagay sa less strict community quarantine ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.

Simula ngayong April 12-30, nasa ilalim na ng MECQ ang NCR Plus gayundin ang Santiago City sa Quirino Province at ang Abra.

Nasa General Community Quarantine (GCQ) naman ang Cordillera Administrative Region, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao City, Lanao Del Sur at Quezon.

Samantalang ang mayoryang bahagi naman ng bansa ay Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isa sa mga naging batayan ng desisyong bahagyang pagluluwag sa NCR Plus ang pangako ng mga ospital na dagdagan ang kanilang COVID-19 beds.

Dahil sa direktiba ng pangulo sa PhilHealth na magbayad sa mga ospital na merong mga unpaid COVID-19 claims, marami sa ating mga private, national government at LGU-hospitals ang nag-commit na dadagdagan ang mga COVID-19 beds lalo na ang mga icu beds sa Ncr Plus. Ito ang isa sa mga naging kritical na basehan ng IATF para mag rekomenda na mag luwag ng kaunti at gawing MECQ ang klasipikasyon sa NCR Plus.

Dadagdagan din ang dedicated COVID-19 beds sa mga isolation, quarantine at health facilities sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Education, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Public Works And Highways at Department Of Health.

Kaugnay naman ng curfew sa NCR, ayon sa Metropolitan Manila Development Authoity , nagkasundo ang Metro Manila Mayors na ipatupad ang 8pm to 5am curfew hours simula ngayong araw (April 12) na ito hanggang sa katapusan ng buwan.

Batay sa omnibus guidelines ng IATF Sa community quarantine, sa ilalim ng MECQ, ang mga authorized persons outside residence pa rin ang pinahihintulutang makalabas, nadagdagan ang mga industriyang pinahihintulutang mag-operate, maaari ang limited outdoor exercise, at limitado ang public gatherings sa 10% capacity at mga pagtitipong may kaugnayan sa pag-access sa health services, government services .

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,