NBI, inaresto ang mga ilegal na nagbebenta ng libreng gamot mula sa gobyerno

by Erika Endraca | December 10, 2020 (Thursday) | 3309

METRO MANILA – Inaresto ng National Bureau of Investigation – Special Task Force (NBI-STF) ang 7 indibidwal matapos mahuling ilegal na nagbebenta ng mga mga gamot na mula sa gobyerno, sa mga pasyenteng nasa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).

Ito ay matapos maghain ng letter of request for investigation ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Ayon sa NKTI ang mga gamot na ito ay galing sa gobyerno na nakatalaga para sa mga mahihirap na pasyente sa ilalim ng MAIP program, at bilang institusyon na nagpapatupad ng programang ito nararapat lamang na kanilang protektahan at isiwalat ang anomang katiwalian hinggil sa mga government resources at property laban sa mga taong nais samantalahin at ipagkait ang sa mga mahihirap na pasyente ay nararapat.

Nahuli ang mga akusado sa isinagawang buy-bust operation at ang pagkakakuha ng ilang mga gamot para sa mga pasyenteng may kidney disease gaya ng Epoetin Alfa (Provinel) at Renvela. Dito rin nalaman ng mga otoridad na magkakasabwat ang mga ito dahil pinaghahati-hati nga mga ito ang kanilang mga stock para maibigay ang mga kinakailangan na order para sa ginagawang test-buy.

Kinilala ang mga akusado na sina Aliza Macalambos, Jen Tubongbanua, Clarita Selga, Maria Fe Nisnisan Quimno, Emilda Besmonte, Norhata Batua, at Virginia Dela Cruz na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 9711 o ang FDA Act of 2009.

Samantala, magsasagawa naman ng follow-up investigation ang NBI-STF upang matukoy kung sino ang nasa likod ng ilegal na pagbebenta ng mga nasabing gamot.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,