Nawawalang National ID, tiniyak na hindi magagamit ninoman – PSA

by Radyo La Verdad | December 13, 2021 (Monday) | 4306

METRO MANILA – Binigyang linaw ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hindi magagamit ng iba ang mga National ID na nawala dahil wala itong pirma ng may-ari na maaaring gayahin o kopyahin.

“My national ID was lost. What will I do? Please help. It might be used by others and I will be the one to answer for his acts using my national ID,” saad ng isang netizen sa isang public post ng PSA noong December 7.

Kaagad itong tinugunan ng PSA at ipinaliwanag na ang kagandahan ng National ID ay wala itong pirma ng may-ari upang kopyahin at malalaman lamang na hindi pagmamay-ari ng tao ang ID kung hindi magma-match ang mga resulta sa fingerprint at iris scan.

Sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng PhilSys Act, may kaukulang bayad ang mga kukuha ng replacement para sa National ID na nawala, nasira, at maging sa mga nais magpabago sa mga detalyeng nakalagay dito. Exempted anila sa singil ang mga kababayang magpapakita ng Certificate of Indigency na ibinibigay ng kanilang City o Municipal Social Welfare Office ng kani-kanilang lugar.

Pinirmahan ang Republic Act 11055 o PhilSys Act ni Pangulong Duterte noong 2018 na naglalayong magkaroon ng iisang national ID ang bawat Pilipino maging ang mga resident alien na naninirahan sa bansa.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,