Humingi ng paumanhin si Department of Transportation Secretary Art Tugade sa lahat ng mga pasahero na naabala ng pagsasara ng runway kahapon dahil sa emergency repair ng natuklap na aspalto.
Ayaw isisi ni Tugade sa nakaraang administrasyon ang problema at sinabing inaako niya ang lahat ng responsibilidad sa pagka-divert sa sampung international at domestic flights sa Clark International Airport.
Magpapatupad ng bagong Standard Operating Procedure o SOP ang transportation department hinggil sa mga ganitong kaso.
Balik operasyon na ang buong NAIA complex matapos maisailalim sa repair ang natuklap na aspalto sa runway 6-24 kagabi.
10:35pm ng matapos ang repair, subalit daang flights ang naapektuhan.
Bagamat sinabi ng MIAA na hindi substandard ang aspalto patitignan pa rin ito ng Department of Transportation, sa pamamagitan nito makagagawa ng mas maayos na plano ang MIAA sa mga susunod na araw.
Taong 2013 ng huling mag aspalto sa runway at taong 2018 pa sana ito ma-overdue subalit nasira na ito ngayon.
Nagpasalamat naman ang Civil Aeronautics Board sa mga airline companies, ayon sa C-A-B, force majeure ang nangyari at walang pananagutan ang mga airline company sa mga pasahero.
Subalit imbes na mangingil, hindi na nagpabayad ng booking fee at namigay pa ng ilang pagkain ang ilang airline company.
Sa kabila nito, nais ng CAB na magkaroon ng maayos na emergency plan sa mga kagayang sitwasyon, para na rin sa kapakanan ng mga pasahero.
Bukas naman ang tanggapan ng C-A-B sa mga reklamo ng ilang mga apektadong pasahero.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: Department of Transportation, Natuklap na aspalto sa NAIA runway