Nationwide scope ng martial law, nakadepende sa galaw ng mga kalaban – AFP

by Radyo La Verdad | December 15, 2017 (Friday) | 5784

Kung ang Armed Forces of the Philippines ang tatanungin, nakadepende sa magiging galaw ng mga kalaban lalo na ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army o CPP-NPA kung kailangan nang ipatupad sa buong bansa ang martial law.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero, mahirap pang masabi ngayon kung kailangan nang ipatupad ang batas militar sa buong Pilipinas.

Nakatutok anila sila ngayon sa Mindanao, lalo na’t ideneklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte na terrorist group ang CPP-NPA.

Ayon kay Guerrero, magdadagdag ng sundalo ang AFP sa Eastern Mindanao kung saan naririto ang maraming miyembro ng CPP-NPA.

Paiigtingin din ang operasyon sa Western Mindanao para tugisin ang mga nalabing miyembro ng ISIS.

Ayon naman sa Commission on Human Rights, nirerespeto nito ang pasya ng Pangulo at ang pagapruba ng Kongreso sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Subalit iginiit nito ang pangangailangan na tugunan ang umano’y paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon.

Kailangan din anilang imbestigahan ang alegasyon ng looting o pagnanakaw ng mga sundalo, iligal na pag-aresto, panonorture at extrajudicial killings.

Sagot naman ng pinuno ng Sandatahang Lakas, nakahanda silang harapin ang anumang akusasyon sa sinomang kawal.

Nanawagan naman ang AFP sa publiko na isumbong ang mga napapansing kahinahinalang mga paggalaw o aktibidad sa kanilang mga lugar para makatulong sa pagtiyak ng kaligtasan sa bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,