National Labor Committee, target na pababain sa isang milyon ang child laborer sa taong 2025

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 2913

Nasa 2.1 milyon ang bilang ng mga child laborer sa bansa noong 2011 batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon sa National Labor Committee (NLC), ang mga ito ay nasa 5 hanggang 17 taong gulang  na sumasabak sa trabaho kahit na mapanganib sa kanila. Kahirapan umano ang pangunahing sanhi nito sa bansa.

Target ng NLC na kinabibilangan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Developmet (DSWD) na mapababa sa isang milyon ang bilang ng mga child laborers sa bansa sa taong 2025.

Sa pamamagitan ito ng pagpapaigting sa mga programa laban sa kahirapan gaya ng livelihood projects sa mga magulang ng mga batang mahihirap.

Gayundin ang pagbibigay ng vocational at free education sa mga bata upang makahanap ng trabaho na lapat sa kanilang edad.

Sa ngayon ay nag-iikot sa iba’t-ibang panig ng bansa ang NLC upang lumikom ng impormasyon o tracing sa mga child laborers.

Ayon kay DOLE Usec. Joel Maglunsod na siya ring chairman ng NLC, kinakailangan ng executive order sa bansa  upang mapagtibay ang mga polisiya laban sa child labor.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,