Nasawi sa MERS-COV sa South Korea, umabot na sa 6; kumpirmadong kaso, mahigit 80 na

by Radyo La Verdad | June 8, 2015 (Monday) | 1809

MERS COV
Nadagdagan ng dalawampu’t tatlong bagong kaso ng MERS Corona Virus infection na naitala ngayong araw sa South Korea.

Dahil dito umakyat na sa 87 ang kabuuang bilang ng positive MERS-COV cases sa bansa.

Pinakahuli sa nasawi ay isang 80 anyos na lalaki na unang naospital dahil sa pneumonia at nakuha lamang ang virus mula sa isang pasyente ng ospital.
Siya ang ika-anim na nasawi sa pagkakahawa ng sakit.

Bunsod nito magsasagawa ng cellphone tracking ang South Korean Authorities sa may 2,500 na indibidwal na kasalukuyang naka-quarantine na hinihinalang nagkaroon ng direct contact sa mga pasyente.

Ang hakbang ay kasunod ng ulat na may sampung indibidwal na nasa ilalim ng quarantine period ang nagwawalang bahala at nakikihalubilo pa sa publiko.

Ayon sa opisyal ng South Korean Disease Control na si Jeong Eun-Kyung, mas hihigpitan nila ang pagbabantay sa mga naka-quarantine at sinumang lalabag ay pagmumultahin.

Nagpadala na ng mga eksperto ang World Health Organization upang pag-aralan ang sitwasyon sa South Korea at upang makagawa ng agarang solusyon upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng sakit.

Tags: , ,