Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong lando sa Cordillera Administrative Region.
Sa pinakahuling ulat ng Office of the Civil Defense, siyam na ang kumpirmadong nasawi at apat sa mga ito ay dahil sa landslide.
Kabilang sa mga nasawi ang singkwenta’y sais-anyos na si Fernando Gumpad na pupunta lang sana sa kanyang bukirin sa Sipitan, Bakun, Benguet nang matabunan ng gumuhong lupa sa gilid ng bundok.
Kabilang rin sa mga nasawi sina Antonio Pallay, Reynaldo Basilio, Ryan Biglay at Norton Aniceto Jose; apat naman sa mga namatay ang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Samantala, sa ulat pa rin ng OCD ay umabot na sa 27-million ang halaga ng iniwang pinsala ng bagyo sa Cordillera;
Pinakamalaki ang naitalasa Apayao Province, kasunod ang Kalinga at Benguet.
Umabot naman sa mahigit 13-million ang halaga ng napinsalang high-value crops; 7-million sa mga pananim na mais habang 6.6 million naman ang halaga ng nasirang palayan.
Samantala, aabot naman sa 5,071 indibidwal o katumbas ng 1250 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Lando sa Cordillera; pinakamarami sa Kalinga, Apayao, Mt. Province, Benguet at Abra.
Samantala, sa ulat naman ng Department of Public Works and Highways ay nasa dalawampu’t siyam na ang mga kalsadang hindi maaaring daanan ngayon sanhi ng landslides at mga natumbang puno.
Kabilang na rito ang Kennon Road, Benguet-Nueva Vizcaya Road, ang Abra-Kalinga Road, at mga kalsadang papunta sa Ilocos Norte, Itogon, Nueva Vizcaya at Mt. Province.
Sa ngayon ay wala pa ring kuryente sa Baguio City dahil sa mga nabuwal na poste at nasirang mga kawad pati na sa malaking bahagi ng Benguet.
Ayon sa mga otoridad, maaaring matagalan pa ang pagbabalik sa power supply dahil sa dami ng mga kailangang ayusing poste ng kuryente.
Sa ngayon ay patuloy na nilang mino-monitor ang sitwasyon sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong lando habang isinasagawa na rin ang clearing operations sa mga nakahambalang na mga puno at poste at mga gumuhong lupa. (Grace Doctolero / UNTV News )
Tags: Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, Itogon, Nueva Vizcaya