Nasawi dahil sa tsunami sa Indonesia, mahigit na sa 220; daan-daan sugatan

by Jeck Deocampo | December 24, 2018 (Monday) | 19522
Photo: REUTERS

SUMATRA, Indonesia – Umabot na sa mahigit 220 ang nasawi samantalang daan-daan ang sugatan sa mga isla ng Java at Sumatra sa Indonesia dahil sa tsunami noong Sabado ng gabi. Pinaniniwalaang bunga ito ng underwater landslide matapos ang pagputok ng bulkang Anak Krakatau.

Pinangangambahang tumaas pa ang bilang ng mga nasawi at sugatan dahil marami pa ang posibleng nadaganan ng mga gumuhong istruktura. Kaya naman nagmamadali na ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng search and rescue operations.

Ngunit hirap makapasok ang mga ambulansya at rescue worker sa mga lubhang naapektuhang lugar dahil sa mga kalsadang nabarahan ng mga debris.

Ani Indonesian President Joko Widodo, “I want to express my deep sorrow for the victims in Serang, Pandeglang and Banten Provice. May those who are left be patient.”

Nagbabala naman ang awtoridad sa mga residente at turista sa coastal areas sa paligid ng Sunda Strait na lumayo muna sa mga dalampasigan lalo na at nananatili ang high-tide warning sa lugar hanggang ika-25 ng Disyembre.

Samantala, sinabi naman ng Department of Foreign Affairs na walang Pilipino na nasawi o nasugatan dahil sa insidente.  Ngunit ayon sa kagawaran, patuloy nilang binabantayan ang kalagayan ng ating mga kababayan sa lugar.

Sa tala ng embahada ng Pilipinas sa Jakarta, mayroong 220 miyembro ng Filipino community sa mga apektadong lugar.

Tags: , , , ,