Nasabat na milyon-milyong halaga ng bigas sa Zamboanga, maaaring ibenta ng NFA – Sec. Roque

by Radyo La Verdad | April 17, 2018 (Tuesday) | 4006

 

Nakadaong sa Ensign Majini Pier ng Naval Forces Western Mindanao Headquarters ang MV Diamond 8, ang barkong may kargang nasa animnapu’t pitong milyong pisong halaga ng smuggled rice na nasabat ng navy sa karagatang sakop ng Zamboanga Sibugay noong Sabado ng gabi.

Ayon sa Philippine Navy, magsasagawa sila ng imbentaryo sa Linggo sa nilalaman ng barko kasama ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration at iba pa.

Ito ay upang matiyak na wala ng iba pang smuggled goods o illegal cargo sa loob ng barko.

Ayon anila sa kapitan ng barko na si Lin Yang Yin, isang Chinese national, nasa 27, 180 sako ng bigas ang karga ng MV Diamond 8.

Samantala, ayon kay Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque, maaaring i-resell ng National Food Authority ang mga nasabat na bigas sa mas murang halaga.

Maaari aniya itong makatulong upang mapataas ang stock ng bigas ng ahensya na kasalukuyan ay nagkukulang na.

Ayon pa sa kalihim mahigpit pa rin ang pagbabantay ng pamahalaan sa mga ipinupuslit na produkto sa ating bansa partikular na ang mga agricultural products.

Ito ay upang maiwasan ang pagkalugi ng mga Pilipinong magsasaka.

Sa ngayon nasa loob pa rin ng foreign vessel ang mga crew nito na labing isang Vietnamese at apat na Chinese nationals.

Ayon sa mga otoridad, isinailalim ang mga ito sa medical check-up at maayos naman ang pagtrato sa mga ito.

(Dante Amento / UNTV News Correspondent)

Tags: , ,