Nasa 4,000 nanay sa Pilipinas, inaasahang makikiisa sa Global Simultaenous Breastfeeding event na isasagawa bukas

by Radyo La Verdad | August 4, 2017 (Friday) | 1903

Isang Global Simultaneous Breastfeeding event na tinawag na ‘Hakab na! 2017, the big latch’ ang gaganapin bukas, ika-lima ng Agosto 2017,  sa  Smart-Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Inorganisa ito ng Department of Health at Association of Southeast Asian Nations o ASEAN member states. Sabayang magpapasuso sa loob ng isang minuto ang libo-libong mga nanay sa buong mundo. Bahagi ito ng ASEAN Health Ministers Meeting na layong mahikayat ang mga nanay sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na magpasuso.

Target din nitong makalikom ng pondo para sa mga breastfeeding mothers sa mga evacuation center sa Iligan at Marawi City. Susubukan naman ng organizers na maitala ito sa Guiness World Records. Tinatayang apat na libong nanay sa Pilipinas ang inaasahang makikiisa rito.

Ayon sa DOH, pangunahing problemang kinakaharap ngayon ng ASEAN Member States ay ang pagsusulong ng exclusive breastfeeding dahil sa pamamayagpag ng formula milk sa merkado.

Nais bigyang-diin ng DOH sa mga ina na mas magiging epektibo ang breastfeeding kung gagawin ito pagkapanganak pa lang ng sanggol hanggang magdalawang taong gulang na ang anak na walang halong anumang milk substitute.

 

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,