Nasa 200 ospital, kakalas sa PhilHealth kung hindi mababayaran ang kanilang claim sa katapusan ng buwan

by Radyo La Verdad | May 10, 2018 (Thursday) | 3064

Mahigit dalawang daang pribadong ospital ang planong kanselahin na ang kanilang kasunduan sa PhilHealth dahil sa laki ng pagkakautang nito sa kanila.

700 milyong piso ang hindi nababayarang claim ng PhilHealth sa mga miyembro ng Private Hospitals Association of the Philippines.

Ayon sa asosasyon ng mga private hospitals, mapipilitan silang humiwalay na sa PhilHealth o di kayay tuluyan ng magsara kung hindi mababayaran ang milyon-milyong pagkakautang sa kanila ng naturang insurance corporation.

Problemado naman si Aling Lita dahil kapag nagkataon, tataas ang babayaran nila sa dialysis ng kanyang asawa.

Sa ngayon, 100 piso lamang ang bayad nila kada session sa tulong ng PhilHealth. Kung kakalas na sa PhilHealth ang ospital na kanilang pinupuntahan, malaking problema ito para sa kanila.

Aminado naman ang pamunuan ng PhilHealth sa kanilang pagkakautang, subalit nais maka-siguro ng PhilHealth na lehitimo ang lahat ng mga claims at hindi gawa-gawa lamang upang perahan ang korporasyon.

Ang pagbabayad ng mga claims ay naka atang sa pananagutan ng mga regional vice president.

Kamakailan ay nagpatupad ng balasahan sa area of assignment si PhilHealth OIC President and CEO Dr. Celestina de la Serna sa lahat ng vice president na mahigit dalawang dekada na sa pwesto.

Subalit matapos ang reshuffle, naglitawan naman ang iba’t-ibang isyu ng korapsyon laban kay de la Serna.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,