NAPC Chair Sec. Liza Maza, hindi susuko sa kabila ng utos ng Malacañang

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 9706

Hindi umano susuko si National Anti-Poverty Commission (NAPC) Chairperson Liza Maza sa kabila ng utos ng palasyo.

Ayon sa bunsong anak nito na si Anton Maza, wala siyang ideya kung saan nagtatago ang kaniyang ina. Huli niyang nakita ang kaniyang ina noong SONA ng Pangulo at sa mga balita sa telebisyon na lamang napapanood ang ina.

Nagpapa-ikot na ng petisyon ang kampo ni Maza at ikakampanya ito online para mangalap ng suporta sa dating mambabatas.

Ayon sa abogado nito, depektibo ang isinampang reklamo laban kay Maza at wala itong sapat na ebidensiya. May hinala rin ang kampo nito na may kaugnayan ang pagkakaupo ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa pagbuhay sa kaso.

Welcome naman sa PNP ang isang milyong pisong pabuya na inialok ng Citizens Crime Watch para sa ikadarakip nina Maza, dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at ang mga dating kinatawan ng Bayan Muna na sina Satur Ocampo at Teddy Casiño.

Nitong ika-27 ng Hulyo, naglabas ng arrest warrant ang isang korte sa Nueva Ecija laban sa apat na dating mambabatas kaugnay ng kasong murder na isinampa noon pang 2006 dahil sa umano’y pagpatay sa taga-suporta ng kalabang partylist.

Nanawagan naman si Albayalde na sumuko na lamang ang mga ito at harapin ang kaso bago pa sila matunton ng NBI at CIDG.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,