Namamatay dahil sa maruming hangin sa Asia Pacific, umaabot sa mahigit 2 milyon kada taon ayon sa WHO

by Radyo La Verdad | May 11, 2018 (Friday) | 4667

Umaabot sa 7 milyong katao ang namamatay kada taon dahil sa epekto ng masamang hangin ayon sa World Health Organization (WHO).

Sa nasabing bilang, 2.2 milyon dito ay sa Asia Pacific kung saan kabilang ang Pilipinas. Si Mang Victor ay regular na namamasada ng jeep sa Quezon City.

Kamakailan lang ay nagpa-tingin ito sa doktor dahil madali siyang hingalin at hirap huminga.

Ayon sa WHO, pangunahgin sa mga sakit na iniuugnay sa pagkakalanghap ng maruming hangin ay mga sakit baga at puso.

Ayon naman kay Dr. Robert Sy, kapag malala na ang sakit ng isang organ ng katawan, maalaki ang posibilidad na mahawa ang iba pang bahagi nito kaya’t kailangan maagapan.

Mas mainam aniya na umiwas sa mga lugar na mataas ang polusyon sa hangin gaya sa Metro Manila o manatili sa airconditioned room.

Batay sa ulat ng Inter Agency Council on Traffic (I-ACT), mula ng inilusad nila ang “Tanggal Usok, Tanggal Bulok program noong  Enero hanggang nitong ika-2 ng Mayo. Nakahuli na sila ng 568 na bagsak sa kalidad ng hangin na dapat ibinubuga ng isang sasakyan.

Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, isa ito sa magandang proyekto ng pamahalaan para maibsan ang lumalalang polusyon hindi lamang sa Metro Manila.

Ayon naman sa environmental group na Health Care Without Harm, bukod sa proyektong ito ng pamahalaan, tayo man sa maliit na paraan ay maaring makatulong para iwasang lumalala ang polusyon gaya ng paglalakad o paggamit ng bisikleta kung malapit lamang ang pupuntahan.

Pero mas mabuti aniya kung hindi na gagamit ng coal ang mga planta ng kuryente sa bansa at sa halip ay renewable energy na lamang gaya ng ginagamitan ng sinag ng araw at ng hangin.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,