Naluging tindahan, muling nabuksan sa tulong ng Serbisyong Bayanihan

by Erika Endraca | February 24, 2021 (Wednesday) | 8740

Muli nang nagbukas ang munting tindahan nina Bernardo at Racquel Guano ng Brgy. Pangpang sa Angeles City, Pampanga sa pagdating ng tulong na hatid ng programang Serbisyong Bayanihan.

Agad namang inayos ng magasawang Guano ang mga groceries na ipinaabot ng programa para sa kanilang sari-sari store na naubusan ng tinda dahil sa pandemya.

Dating latero si Bernard pero natigil ito sa pagtatrabaho nang magkasakit ito sa bato habang si Racquel naman ay nagtatrabaho sa parehong amo na may ari ng kanilang tinutuluyan.

Mistulang gumuho ang kanilang mundo nang matigil sa paghahanap buhay ang dalawa na pati kanilang tindahan na inaasahan nilang makakatulong sa kanilang pangaraw-araw ay nalugi rin dala ng pandemya.

Kaya naman minabuti na ni Racquel na humingi ng tulong sa programa upang makapagsimulang muli at makabangon sa kahirapan.

Agad namang tinugunan ng programa ang kahilingang ito ni Racquel na lubos ang pasasalamat dahil hindi nito inakala na masasagot agad ang kaniyang panalangin.

“Yung blessings po na binigay niyo, sobrang laking tulong po nun para saming pamilya. Mapoprovide ko na po yung pangangailangan ng asawa ko at para sa pagkain ng mga anak ko.” ani Racquel Guano.

Ngayon, plano na rin nilang dagdagan pa ang kanilang paninda inda dahil alam nilang sa awa’t tulong ng Dios ay may pag-asa silang ano man ang pagsubok ang dumating sa kanilang buhay, babangon at babangon pa rin sila.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: