Naiambag ng mga ordinaryong Pilipino, kinilala ni Pangulong Duterte sa Nat’l Heroes’ Day

by Radyo La Verdad | August 28, 2018 (Tuesday) | 2833

Sampung taon nang guro si Ma’am Angelita Casauay sa isang high school sa Taguig City.

At kahit walang extra payment, tinanggap niya ang alok sa kaniya ng school principal na maging coordinator ng Boy Scout of the Philippines, tatlong taon na ang nakalilipas.

Aniya, hindi madali ang maging BSP coordinator dahil kailangan niyang gumugol ng extra time na sana’y para sa kaniyang pamilya.

Gayunman, self-rewarding naman aniya ang maturuan ang mga batang umibig sa kapwa at sa bayan.

Bukod sa clean up drive, natuturuan na rin ngayon ang mga batang kasapi ng BSP ng first aid at basic emergency response.

Kasama si Mam Angelita at ang higit sa 100 mga bata sa mga panauhin sa paggunita ng pambansang araw ng mga bayani sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Bukod sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan, binigyang-pugay din ng punong ehekutibo ang naiiaambag sa kalayaan, kaayusan at pag-unlad ng Pilipinas ng mga ordinaryong mamamayan.

Kabilang na rito ang mga tauhan ng militar at pulisya, mga guro, mga overseas Filipino worker (OFW) at iba pa.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,