Nagsasagawa ngayon ng fish holiday ang mga mangingisda at fishing operators sa Navotas fish port

by Radyo La Verdad | September 23, 2015 (Wednesday) | 1338

reynante_fish-holiday
Nagmistulang ghost town ang Navotas fish port dahil kakaunti lamang ang mga nagbukas ng kanilang tindahan matapos magdeklara muli ang mga mangingisda at mga fishing operator ng fish holiday ngayong araw.

Kabilang sa mga nakiisa sa fishing holiday ang mga fisherfolk sa market 1, 2, 3, 4, at 5 ng Navotas port kasama rin ang Malabon fish market.

Ito ay bilang pagtutol sa planong pagpapatupad ng fisheries code of the Philippines partikular na ang ukol sa paglilimita sa pangingisda sa Manila bay sa loob lamang ng labinglimang kilometro mula sa dalampasigan.

Ayon pa sa mga mangingisda, pamansing o pangawil lamang ang maaring gamiting panghuli ng isda

Bawal ang mga bangkang gumagamit ng makinang panghuli (active gear) ng mga isda at paggamit ng lambat.

Kapag tuluyan na anilang ipinatupad ang naturang batas ay hindi na sasapat ang mahuhuli nila para mabuhay ang kanilang pamilya.

Hinaing ng mga mangingisda hindi sila kinonsulta nang ginagawa pa lamang ang implementing rules and procedures para sa naturang batas.

Samantala, ngayong araw, magtitipon muli ang mga fisherfolks sa parking area ng seaside boulevard upang magsagawa ng vigil at rally upang palakasin ang kanilang kampanyang ibasura ang bagong amyendang fisheries code.(Reynante Ponte/UNTV Correspondent)

Tags: , ,