Naging papel ni Dating Sen. Antonio Trillanes sa Scarborough standoff, tinalakay ni dating Sen. Juan Ponce Enrile

by Erika Endraca | May 18, 2021 (Tuesday) | 21681

METRO MANILA – Tinukoy ni Dating Senator Juan Ponce Enrile si Dating Senator Antonio Trillanes bilang negosyador sa China sa naging problema sa 2012 Scarborough Shoal standoff.

Ayon kay Enrile, noong siya ay Senate President, naimbitahan siya ni Pangulong Benigno Aquino III sa Malakanyang kasama sina Trillanes at Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario ukol sa naturang isyu.

“Noong dumating ako duon, ako ang unang dumating, pangalawa dumating si Sen. Trillanes, pareho kaming senador nun, meron siyang binubulong sa akin na treason, treason, di ko naiintindihan yung gusto niyang sabihin, pagktapos nuon dumating na si Albert Del Rosario, kalihim ng Department of Foreign Affairs at kasama niya ang presidente umupo sila. Binebriefing kami ni Del Rosario tungkol sa nangyari sa Scarborough Shoal”ani Former Sen. Juan Ponce Enrile.

Ayon kay Enrile, sinabi sa kaniya ni Trillanes na nagsilbi siyang negosyador sa China.

“Sinabi ni Trillanes na nagpunta siya sa China at kinausap niya yung namumuno sa China tungkol sa bagay na problema na yun at ako naman bilang presidente ng senado nuon, tinanong ko sa kaniya, anong karapatan mo na magpunta sa China, yun ba ay kusang loob mo lamang na pagpunta duon?sabi hindi,nagpunta ko ruon may authority ako, sino ang nagutos sa iyo na pumunta duon?pagkatapos sumagot si Presidente Aquino, sabi niya, ako ang nagutos sa kaniya”ani Former Sen. Juan Ponce Enrile.

Dito na niya pinagiingat si Pangulong Aquino ukol sa back door negotiation sa China.
At natuklasan niya mismo kay Del Rosario Ang pag-bypass ni Trillanes sa ambassador ng Pilipinas noon sa China.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, malaking kwestiyon kung ano ang mga naganap sa negosasyon ukol sa West Philippine Sea territorial dispute.

Kung saan sa kabila ng negosasyon ay nawala pa rin sa kontrol ng Pilipinas ang Scarborough Shoal dahil sa pagatras ng mga barko ng Pilipinas.

“Ang akin lang sir, its really a wonder to me why of course Pres. Aquino who could answer it, why he choose a military man to do the backchanneling and problem it was so secretive, almost prototype of negotiation that as kept secret”ani Pres. Rodrigo Duterte.

Gaya ni Pangulong Duterte, kwestiyon rin kay Enrile kung sino ang humingi ng tulong sa Estados Unidos upang mamagitan sa standoff sa Scarborough Shoal. Kung saan hindi naman umatras ang China at nakuha ang kontrol sa lugar.

Kaugnay nito, muling isinantabi ni Pangulong Duterte ang arbitral ruling sa West Philippine Sea.

Naniniwala naman ang dating senador, na kahit papaano ay mahalaga ang arbitral award pero may isyu talaga kung papaano ito maipatutupad.

Sinangayunan rin ni Enrile ang polisiya ng pakikipagibigan ng pangulo sa China.

Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pagkabahala si Pangulong Duterte dahil sa posibilidad na interesin na ng China ang langis sa West Philippine Sea.

Kaugnay nito, pinagbawalan na ni Pangulong Duterte ang kaniyang gabinete na magsalita ukol sa West Philippine Sea issue maliban na lamang kay Presidential Spokesman Harry Roque.

Pinayuhan naman ni Enrile si Pangulong Duterte, na palakasin pa rin ang kapabilidad ng militar at i-explore rin ang Benham Rise gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: