Nakatakdang imbitahan ng Manila Police District si John Paul Solano upang magbigay linaw sa kaso ng pagkamatay ng UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III. Si Solano ang nakakita umano sa katawan ni Castillo sa isang bangketa sa Balut, Tondo noong Linggo ng umaga at nagdala sa Chinese General Hospital.
Ayon kay MPD spokesperon PSupt. Erwin Margarejo, bunsod ito ng ilang inconsistencies sa pahayag nito. Batay sa salaysay ni Solano, nakita niya ang biktima bandang alas otso ng umaga habang patungo sa San Lazaro Hospital kung saan siya nagta-trabaho. Humingi pa umano siya ng tulong sa isang motorista upang madala ito sa ospital.
Ngunit base sa ibinigay na certfification ng brgy. 133, walang record sa kanilang CCTV na may bangkay na iniwan doon sa nasabing oras.
Nakikipag- ugnayan na rin ang MPD sa pamunuan ng Uber dahil ayon sa pamilya ni Castillo, isang driver nito ang nagdala ng mga gamit ni Horacio sa kanilang bahay. Dito aniya malalaman kung saan nanggaling ang mga gamit nito na maaaring maging lead sa lugar ng umano’y hazing.
Kailangan rin aniyang ma-validate ng MPD ang natanggap na impormasyon na isa ring UST law student si Solano at isang part time medical technologist sa San Lazaro Hospital.
Sa ngayon ay hindi na sumasagot sa tawag ng MPD si Solano. Ayon naman sa Department of Justice, nagbigay na ito ng kautusan sa NBI na mag- imbestiga sa pagkamatay ng UST law student.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)