Nag-materialized na ang P239-B investments sa PBBM foreign trips – Palace

by Radyo La Verdad | February 20, 2023 (Monday) | 3273

METRO MANILA – Nagkaroon na nang resulta ang mga pangakong investment na nakuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa kaniyang mga nagdaang foreign trip.

Nasa P239-B mula sa nakuhang commitment ng pangulo sa mga foreign investor ang nag-materialized na o may aktuwal ng resulta o proyekto.

Sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), aabot sa 116 projects o katumbas ng P3.48-T ang kabuuang halaga ng investment na nakuha ni Pangulong Marcos Junior mula sa kaniyang mga nakalipas na foreign trips.

Mula ito sa bansang Indonesia, Singapore, Estados Unidos, Thailand, Belgium, China  at Japan.

Inihayag ng punong ehekutibo ang pagsisimula ng kanilang pag-aasikaso sa mga detalye ng pledge of investments, memorandum of understanding at letter of intent ng mga malalaking kumpanya mula sa iba’t ibang bansa na kanilang binisita.

Dito madedetermina ng pamahalaan ang mga nararapat gawin upang magtuloy tuloy ang mga proyektong ito.

Inaasahan ng administrasyon Marcos na dahil sa mga nasabing pamumuhunan, lilikha naman ito ng oportunidad o trabaho para sa mga Pilipino.

Tags: