Naarestong hacker, sangkot umano sa mga nauna nang hacking incidents ayon sa National Bureau of Investigation

by Radyo La Verdad | April 22, 2016 (Friday) | 4495

JOMS_HACKER
Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ang NBI ng imbestigasyon kaugnay ng naganap na pananabotahe sa website ng COMELEC matapos na mahuli ang umano’y isa sa mga hacker nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng COMELEC, nakita nilang sangkot ang 23-anyos na IT graduate na si Paul Biteng sa iba pang insidente ng pangha-hack.

Napag-alaman ding may kaugnayan si Biteng sa grupong Anonymous Philippines at sa Lulsec Pilipinas na sinasabing responsable sa pagli-leak ng sensitibong impormasyon ng mga botante sa internet

Tumanggi namang mag-komento si Biteng sa alegasyon laban sa kanya.

Sinabi nito na naging isang white hat hacker lamang sya o ang tumitingin sa mga error o bug ng isang website – bagay na pinagdududahan ng NBI dahil ayon kay NBI Cyber Crime Division Executive Officer Vic Lorenzo, bago anya ito magawa ay dapat may pahintulot muna ng IT Infrastructure ng ahensya.

Sa ngayon ay nai-reklamo na ng NBI sa Manila Prosecutors Office si Biteng at kapag nahanapan ito ng probable cause ay maaring tuluyan na itong kasuhan ng paglabag sa Anti-Cyber Crime Law at maaaring makulong ng hanggang dalawampung taon.

(Joms Malulan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,