Muslim leader, naniniwalang maraming Muslim ang babalik sa Mindanao kapag naisabatas ang BBL

by Radyo La Verdad | June 6, 2018 (Wednesday) | 2908

Gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte, naniniwala ang isang Muslim leader na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay magiging daan upang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

At oras na matiyak ang kapayapaan sa rehiyon, magiging simula rin ito ng pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga Muslim.

Dahil dito, mahihikayat nang bumalik ang mga Muslim sa Mindanao na nagsilikas dahil sa mga kaguluhan.

Sa ika-9 hanggang ika-13 ng Hulyo, sasalang na sa bicameral conference committee at pagdedebatehan na ang mga kontrobersyal na probisyon ng BBL.

Target na malagdaan at tuluyang maisabatas ang BBL sa ika-23 ng Hulyo, araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte.

Naniniwala naman ang isang political analyst at miyembro ng consultative committee para sa charter change na hindi talaga maipapasa ang orihinal na bersyon ng BBL na binalangkas ng Bangsamoro Transition Commission.

Ito ay hangga’t hindi nababago o naaamyendahan ang Saligang Batas. Pero giit ni Professor Edmund Tayao, mahalagang maipasa ang panukalang BBL at maisulong din ang pederalismo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,