Murang bigas, inaasahan ni PBBM sa ‘consolidated’ rice production program

by Radyo La Verdad | June 15, 2023 (Thursday) | 835

METRO MANILA – Nagtungo si Pangulong Ferdinand Marcos Junior nitong June 14 sa South Cotabato upang saksihan ang paglulunsad ng Consolidated Rice Production and Mechanization Program na nakaayon sa polisiya ng kanyang administrasyon.

Inaasahan sa naturang programa na mapaliliit nito ang gastos ng mga magsasaka sa produksyon ng bigas at mapalalaki ang ani dahil sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya.

Sa ilalim ng consolidated rice production program, pagsasama-samahin ang maliliit na magsasaka para sa isang bubuoing korporasyon. Magkakaroon ito ng rice processing center.

Pangangasiwaan ng korporasyon ang produksyon, pagpoproseso hanggang sa pagbebenta ng bigas sa merkado. Para sa pangulo, malaking tulong na ito para sa mga magsasaka.

Ang ganitong klaseng sistema ay konsepto rin ng administrasyon upang palakasin ang produksyon ng bigas, mapababa ang presyo nito at sa darating na panahon ay hindi na aasa pa aniya sa importasyon ng bigas ang bansa.

Samantala, kaugnay ng pagbisita ng pangulo sa South Cotabato,  pinangunahan niya ang pagbibigay ng iba’t ibang government assistance sa nasa 5,000 benepisyaryo sa Koronadal City.

Tags: