Muling pagbubukas sa imbestigasyon ng Mamasapano incident, wala ng aasahang bago ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 2718

JERICO_LACIERDA
Wala nang aasahang bago ang senado sa muling pagbubukas sa kaso ng Mamasapano ayon sa Malacañang.

Pahayag ito ng Malacanang kasunod ng pasya ng Senado na muling magsagawa ng imbestigasyon dahil sa mga pahayag ni Senador Juan Ponce Enrile na mayroong nakalap itong ibang impormasyon kaysa sa natalakay sa unang pagdinig sa senado noong nakaraang taon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, lahat ng testimonya aniya ay napakinggan na at maging ang Department of Justice (DOJ) ay nakapagsampa na ng kaso sa umano’y responsable sa pagkakapatay sa apat na put apat na miyembro ng PNP Special Action Force.

Wala rin aniya silang detalye kaugnay ng mga impormasyong binabanggit ni Enrile.

Inako na rin naman aniya ni Pangulong Aquino ang responsibilidad bilang Commander-in-Chief at natugunan na rin aniya ng Pangulo ang pangangailangan ng mga pamilya ng mga nasawing pulis.

Sa kabila nito, hihintayin na lang din aniya nila ang kalalabasan ng muling imbestigasyon ng Mamasapano.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,