Iginiit ni Senate President Franklin Drilon na hindi dapat maka-apekto ang muling pagbubukas ng Mamasapano investigation sa Senado sa mga dapat iprayoridad nito sa pagbabalik sesyon.
Ayon kay Senator Drilon, masyado nang siksik ang schedule ng mataas na kapulungan dahil sa 9 full session days na lamang mayroon ang Senado sa pagbabalik sesyon nito sa Enero a- dise otso upang maipasa ang mga mahahalagang panukala gaya ng BBL at Salary hike para sa publiko.
Hindi naman tutol ang senador sa kagustuhan ni Senate Minority leader Juan Ponce Enrile na muling buksan ang imbestigasyon at naniniwala si Drilon na ang mga katanungang gagawin ni Enrile ay makakadagdag upang lumabas ang katotohanan ukol sa kaso.
Ngunit sa kabila nang sinabi ng senador na prayoridad ng Senado ang pagpasa sa BBL, aminado si Drilon na nababahala siya na ang gagawing imbestigasyon ay muling magdulot ng pagkaantala sa pagpasa sa BBL dahil sa mga isyung nakapaloob sa Mamasapano incident.
Sakali umano na hindi maipasa sa 16th Congress ang BBL, umaasa si Drilon na magpapatuloy pa rin ang ceasefire sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan.
(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)
Tags: makaapekto, Mamasapano investigation, Muling pagbubukas