Muling pagbubukas ng Boracay, hindi makakaapekto sa mga natitirang road construction sa isla – DPWH

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 3160

Bukas na muli sa publiko ang isla ng Boracay kung kaya’t malaya nang makakapasok sa isla ang mga local at foreign tourists na gustong magbakasyon dito.

Tanghali pa lamang ng Byernes ay umabot na sa mahigit isang libo ang bilang ng turistang pumasok sa isla na mayroong mga booking reservations sa mga compliant establishments. Habang nasa 270 naman ang mga naka-avail ng 1 day pass at umuwi rin pagkatapos.

Sa patuloy na pagdagsa ng mga turista sa Boracay, sinabi naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na hindi makakaapekto sa mga natitirang konstruksyon sa isla ang pagdagsa muli ng mga turista.

Nauna nang sinabi ni Villar noong Byernes na nasa 80 porsyento na ang kanilang accomplishment sa Phase 1 ng road construction sa Boracay.

Habang ang mga natitirang gagawin katulad ng finishing, concreting ng kabilang bahagi ng kalsada at side walks ay inaasahang matatapos sa Disyembre.

Pagkatapos ng Phase 1, isusunod na rin agad ng DPWH ang Phase 2 ng kanilang mga proyekto sa first quarter ng 2019.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,