Motorcycle rider na nasugatan sa nangyaring banggaan sa Maynila, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 20, 2018 (Thursday) | 11257

Hindi makausap ang lalaking ito ng datnan ng UNTV News and Rescue Team habang nakadapa sa kalsada sa kanto ng United Nations Avenue at San Marcelino Street, Ermita Maynila pasado alas dos ng madaling araw kanina.

Kinilala ang biktima sa pangalang John Kenneth San Luis, bente uno anyos at taga Paco, Maynila.

Nagtamo ng gasgas at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si San Luis. Mayroon din itong bukol sa ulo at nagdurugo ang ilong.

Agad na nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue si San Luis at dinala sa Manilamed Medical Center Manila para sa kaukulang atensyong medikal.

Ayon sa driver na kasama ng biktima, wala silang suot na helmet nang makabanggaan nito ang isang pang motorsiklo at tumumba sa sementadong kalsada. Wala namang tinamong pinasala ang nakabanggan nilang motorcycle rider.

Hilong-hilo at sugatan ang motorcycle rider na ito nang abutan ng UNTV  News and Rescue Team sa southbound ng EDSA Philam bandang alas diyes kagabi.

Nagtamo ito ng mga gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang biktima na kinilalang si Rowell Udtuhan at inihatid sa East Avenue Medical Center.

Kwento ng nakasaksi sa insidente, habang binabaybay ng biktima ang EDSA, bigla itong nabangga ng sports utility vehicle (SUV).

Samantala, hindi naman nakuha ang plate number ng nakabanggang sasakyan sa biktima na mabilis tumakas.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,