Operasyon ng motorcycle taxi, aprubado na ng Kamara

by Radyo La Verdad | February 5, 2019 (Tuesday) | 11928

MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang gamitin ang mga motorsiklo bilang pampublikong sasakyan, kahapon, ika-4 ng Pebrero.

Sa ilalim ng House Bill 8959, pinapayagan na ang mga motorcycle taxi na magserbisyo sa mga pasahero at kasama na rin sila sa ireregulate ng pamahalaan.

Nangangahulugan ito na posible na rin silang mabigyan ng prangkisa, at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na rin ang magtatakda sa sisingilin nilang pamasahe sa mga pasahero.

Kasama rin sa mga probisyon ng panukalang batas ang pagkakaroon ng insurance ng mga rider at pasahero ng mga motorcycle taxi.

Kaakibat nito, maaari nang patawan ng kaukulang parusa ang mga pasaway na operator at rider nito.

Sa ngayon, hinihintay pa kung maaaprubahan din ang kaparehong bersyon nito sa Senado na kasalukuyan pang nakabinbin sa committee level bago ganap na maisabatas.

Disyembre noong nakaraang taon nang mag-isyu ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema kaya’t napahinto ang operasyon ng Angkas.

Samantala, nagpahayag naman ang Department of Transportation (DOT) na suportado nila ang pagkaka-apruba ng Kamara sa panukalang batas lalo’t naniniwala ang ahensya na ito ang tamang paraan upang maisaayos ang operasyon ng mga motorcycle taxi sa bansa.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , ,