Mosyon ni Sen. Leila de Lima upang mabasura ang kanyang drug-related case, muling dininig ng Muntinlupa RTC

by Radyo La Verdad | March 10, 2017 (Friday) | 1324


Muling dininig sa sala ni Judge Amelia Fabros-Corpuz ng Muntinlupa RTC branch 205 ang omnibus motion ni Sen. Leila de Lima na naglalayong mabasura ang kanyang kasong illegal drug trading.

Sa pagdinig kanina, binigyan ng sampung araw ang abogado ni de Lima upang sagutin ang comment at pagtutol ng DOJ prosecution panel sa kanyang mosyon.

Pagkatapos nito ay may sampung araw din ang DOJ panel upang muling makasagot.

Itinakda ng korte ang susunod na pagdinig sa April 21.

Nanindigan naman ang DOJ panel sa kasong isinampa laban sa senadora.

Reaksyon ito ng panel sa argumento ng abogado ni de Lima na hindi papatak sa illegal drug trading ang kaso dahil ang alegasyon lamang ay tumanggap ng pera sa mga drug lord ang kanyang kapwa akusado na si Jose Adrian Vera para umani ibigay sa senadora.

Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, lumalabas na indirect bribery lamang ito at hindi illegal drug trading.

Samantala, binigyan din sampung araw ang abogado ni de Lima upang sagutin ang mosyon ng DOJ panel na i-consolidate o pagsama samahin na lamang ang tatlong kaso ni de Lima sa sala ni Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa RTC Branch 204.

Ayon naman sa abogado ni de Lima, pag aaralan pa nila kung ano ang magiging epekto nito sa kaso.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,