Monumento ni Jose “Ka Pepe” Diokno, itinayo sa CHR bilang simbolo ng pagtatanggol sa karapatang pantao

by Radyo La Verdad | September 22, 2017 (Friday) | 2982

Simbulo ng pagtatagumpay laban sa diktaturya ang monumento ni Ka Pepe Diokno ma itinayo sa harapan ng opisina ng Commission on Human Rights.

Pumasok sa isang kasunduan ang National Historical Commission of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts upang igawa ng monumento si Ka Pepe Diokno.

Si Ka Pepe ang isa sa mga nanguna noon sa Presidential Committee on Human Rights noong 1986. Siya rin ang nagtayo ng Free Legal Assistance Group o FLAG upang tulungan ang mga biktima ng martial law noon.

Panauhing pandangal si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, tinalakay nito sa kanyang speech na dapat mangibabaw pa  rin ang batas.

Sa panahon aniya ngayon ay tila nawawala na ang diwa ng konstitusyon na siyang proteksyon ng mga tao sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Ipinunto rin ni Sereno na kung mayroon man kailangang tugisin ang mga alagad ng batas, dapat siguraduhin na ito ay naaayon sa batas.

Tiniyak ni Sereno sa kanyang talumpati na ang Korte Suprema ang magsisilbing gabay ng mga Pilipino upang makamit ang tunay na pagbabago.

Dumalo rin sa pagtitipon si VP Leni Robredo, dating Pangulong Benigno Aquino, Senator Franklin Drilon, Senator Bam Aquino at mga dating Cabinet Secretaries.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,