Monkeypox, idineklara na bilang Public Health Emergency of International Concern ng WHO

by Radyo La Verdad | July 25, 2022 (Monday) | 3246

METRO MANILA –Idineklara ng World Health Organization (WHO) ang Monkeypox bilang isang global health emergency na pinakamataas na alert level para sa isang sakit sa isang media briefing nitong Sabado (July 23).

Ang pasya ay nabuo pagkatapos ng pagsang-ayon ni WHO chief Tedros Ghebreyesus na nagsilbing “tiebreaker” sa pagitan ng magkaibang desisyon ng mga miyembro ng expert committee, kung saan 9 sa mga ito ang laban sa hakbang samantalang 6 naman ang pabor dito.

Ilan sa mga dahilan ng pagbigay ng pinakamataas na antas ng banta ay ang mahigit 16,000 na kaso at 5 pagkamatay dahil sa nasabing sakit mula sa 75 na bansa at teritoryo. Naipapasa rin ang Monkeypox sa pamamagitan ng mga bagong paraan na hindi pa gaanong alam ng ahensya ayon sa hepe.

Maaaring maipasa ang sakita na Monkeypox sa pamamagitan ng mga likido sa katawan, mga sugat sa balat, o panloob na mucosal surface tulad sa bibig o lalamunan, droplets sa paghinga at mga kontaminadong bagay.

Matatandaang naiulat ang mga kaso ng Monkeypox sa Europe at North America noong Mayo 2022 dahil sa mga naging pagbisita sa mga nasabing lugar, sa halip na sa Kanluran o Central Africa, kung saan endemic ang nasabing sakit.

Ayon sa isinigawang pagsisiyasat ng WHO, maituturing na high risk ang sakit sa Europa samantalang moderate risk naman ang mayroon sa ibang mga rehiyon.

Gayunpaman, bagaman maaaring kumalat ang sakit sa buong mundo, manananatiling mababa na magkaroon ng interference sa international traffic o ang pagtanggi sa pagpasok o pag-alis ng mga international traveller sa mga bansa ayon kay chief Ghebreyesus.

(Andrei Canales| La Verdad Correspondent)

Tags: ,