MOA sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait kaugnay ng OFW protection, nakatakdang lagdaan ngayong araw

by Radyo La Verdad | May 11, 2018 (Friday) | 3780

Isang memorandum of agreement (MOA) ang nakatakdang lagdaan ngayong araw sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa naturang Gulf state.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bagaman humihingi pa siya ng clearance kay Pangulong Rodrigo Duterte sa gagawing anunsyo hinggil dito, ang signing ng MOA ang magbibigay-daan aniya para magpatupad ng partial lifting sa deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.

Sasaksi rin sa pirmahan ng MOA sina Special Envoy to Kuwait Abdullah Mama-O at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Inako naman ng Kuwaiti government ang gastos sa pagpapauwi ng nasa 500 undocumented OFWs. Kasama nang babalik ang Philippine delegation sa Pilipinas ang ilan sa mga ito bukas, araw ng Sabado.

Binigyang-diin naman ni Roque na malaki rin ang naitulong ni Kuwait Ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh upang matuloy ang pakikipagpulong ng Philippine delgation sa Kuwaiti counterpart.

May ipinarating ding personal na mensahe ang emir ng Kuwait para kay Pangulong Duterte subalit hindi na idinetalye pa ng opisyal.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,