Minimum age sa pagbili ng sigarilyo, isinusulong na itaas sa edad 21

by dennis | April 13, 2015 (Monday) | 2519
File photo: Reuters
File photo: Reuters

Isinusulong ng isang anti-smoking group na itaas ang minimum age sa mga maaaring bumili ng sigarilyo sa bansa.

Ayon kay Emer Rojas, pangulo ng New Vois Association of the Philippines, hinihimok nila ngayon ang mga mambabatas na itaas sa edad na 21 ang minimum legal age sa pagbili ng sigarilyo mula sa kasalukuyang edad na 18.

Iginiit ni Rojas na kapag itinaas ang minimum age, posibleng maibaba ang bilang ng mga naninigarilyo lalo na sa mga kabataan.

Binanggit ni Rojas ang ginawang pag-aaral ng Institute of Medicine sa Estados Unidos kung saan ang pagtataas ng minimum age sa 21 taong gulang ay may positibong epekto sa pangkalahatang kalusugan.

Sa kasalukuyan, ang mga bansang nagtaas ng minimum legal age sa pagbili ng sigarilyo ay ang Kuwait, Sri Lanka, Honduras, Cook Islands maging ang ilang estado sa U.S. tulad ng New York, Illinois, Missouri, Massachusetts at Hawaii.

Batay sa Social Weather Station survey na isinagawa noong unang quarter ng 2014, 18 porsyento ng mga smoker ay pawang mga nasa edad 18 hanggang 24.

Tags: , , ,