Mid-year bonus ng mga empleyado ng pamahalaan, matatanggap na

by Radyo La Verdad | May 16, 2023 (Tuesday) | 3943

METRO MANILA – Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Linggo (May 14) na makakatanggap na ng mid-year bonus ang mga empleyado ng pamahalaan simula sa Lunes (May 15).

Ayon sa DBM, ang mid-year bonus ay katumbas ng 1 buwang basic pay at ibibigay sa lahat ng entitled civil servants na nakapagtrabaho ng kabuuang 4 na buwan mula July 1, 2022 hanggang May 15, 2023.

Dapat din ay nananatili pa sa serbisyo sa gobyerno hanggang May 15 ang isang empleyado.

Ang mid-year bonus ay pasok sa agency-specific allocation sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA) ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.

“Alam naman po natin na isa ito sa mga inaabangan ng ating mga kapwa kawani ng gobyerno na talagang makakatulong sa kanilang araw-araw na pangangailangan.” ani DBM Secretary Amenah Pangandaman.

Pinaalalahanan din ni Pangandaman ang lahat ng ahensya at tanggapan ng pamahalaan na tiyakin na maibibigay sa oras ang bonus ng kanilang mga empleyado.

(Jeth Bandin | La Verdad Correspondent)

Tags: ,