MIAA, itinangging sa NAIA nawala ang mga gamit ng dalawang OFW sa viral video

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 24531

Kumakalat ngayon sa social media ang video ng dalawang overseas Filipino worker (OFW) na umano’y nawalan ng cellphone, alahas at iba pang mahahalagang gamit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa na ini-upload ng isang netizen, makikita ang dalawang OFW na nagmamaka-awa kay Pangulong Duterte matapos umanong mawalan ng mga gamit na nagkakahalaga ng higit apat na pung libong piso.

Kinilala ang isang nasa video na si Andrew Montes, isang OFW na ipinadeport ng Saudi Government. Batay sa salaysay ni Montes, bago pa sila sumalang sa immigration sa Jeddah ay pinahubad umano sa kanila ang suot nilang mga relo, jacket at medyas at sinabihang ilagay ang mga ito sa kanilang bagahe.

Kaya’t laking gulat umano niya na pagdating sa NAIA ay wala na sa kanyang bagahe ang mga mamahaling gamit at cash na forty-two thousand pesos.

Subalit mariing pinabulaanan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang akusasyon ni Montes.

Ayon kay MIAA General Manager Eddie Monreal, labag sa protocol ng airlines ang nangyari sa mga pinauwing OFW. Batay sa imbestigasyong isinagawa ng MIAA at Saudia Airlines, wala silang nakita sa CCTV na may nakialam ng mga bagahe nila Montes.

Dahil dito, nanindigan ang Saudia Airlines na hindi nila babayaran ang anomang nawala sa mga OFW.

Dagdag pa umano ng Saudi Airlines, dati na ring may mga insidente ng mga deported OFW na sinasabing nawalan ng gamit at nanghihingi ng bayad, gayong hindi naman mapatunayan ang reklamo.

Kahapon ay tinawagan ni GM Monreal si Montes at nangakong sisikaping mabigyan ng kaunting tulong, bagaman hindi naman sa NAIA nawala ang kanyang mga gamit.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,