Ikinalulungkot ni Department of Information and Communications Technology OIC Eliseo Rio Jr. na hindi pa maiaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang bagong telco player sa bansa.
Pero positibo ito pa rin ito dahil natapos na nila ang terms of reference (TOR) para sa pagpili ng third telco player.
Naglalaman ang TOR ng mga rules at regulations para sa selection process ng papasok na telco player subalit maaari pa itong mabago depende sa magiging resulta ng public consultation sa mga stakeholders.
Dahil dito, sa susunod na linggo ay maaari na silang magsasagawa ng public consultation bilang bahagi ng kanilang market study sa pagpili ng ikatlong major telco player sa bansa.
Bibigyan ng dalawang buwan ng DICT ang mga interesadong partido upang makagawa ng mga bidding proposal at dito na pipiliin ang pinakamataas na makapagbibigay ng garantiya ng magandang serbisyo sa publiko.
Hindi naman sang-ayon si Usec. Rio sa nais ng Department of Finance na ipa-auction ang mga available na signal o frequency.
Ayon kay Rio, hindi naman binili ng smart at globe ang mga frequency na available noon at kasalukuyang ginagamit ng mga ito ngayon.
Anti-competitive at hindi patas sa papasok na third telco kung pagbabayarin ito ng pamahalaan sa frequency na libre namang nakuha ng dalawang malaking telco sa bansa.
Sinigurado naman ng DICT na posibleng sa Setyembre ay may ikatlong telco player na sa bansa.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: DICT, SONA, third telco player