Mga tinanggal na opisyal dahil sa katiwalian, hindi dapat ibalik sa pamahalaan – VACC

by Radyo La Verdad | May 10, 2018 (Thursday) | 8009

Sa dalawang nakalipas na State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi nawawala ang pangakong aalisin niya ang mga tiwaling opisyal.

Unang natanggal si dating DILG Secretary Ismael Sueno dahil sa maanomalyang firetruck deal.

Inalis din sa pwesto ang chief ng Presidential Commission of Urban Poor (PCUP) na si Terry Ridon at apat pang commissioner nito dahil sa madalas na pagbyahe umano sa ibang bansa.

Kamakailan ay nagsumite na rin ng resignation si dating Tourism Secretary Wanda Teo matapos lumabas ang maanomalyang advertisement deal ng kagawaran.

Ngunit sa mga naalis sa serbisyo, dalawa na ang muling binigyan ng posisyon sa pamahalaan.

Ito ay sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na ngayon ay deputy administrator ng Office of Civil Defense at dating SSS Commissioner Pompee La Vina na ngayon ay undersecretary ng DOT.

Ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), bagaman kahanga-hanga ang pagtanggal sa mga ito sa pwesto ay nakakabahala naman ang pagbibigay sa kanila ng panibagong posisyon sa pamahalaan.

Batay naman sa 2017 Corruption Perception Index ng Anti-Corruption Agency na Transparency International, nasa pang 69 na pwesto ang Pilipinas na kahanay ng mga bansang Vietnam, Algeria, Bolivia, El Salvador at Maldives.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,