METRO MANILA – Kasama sa binaha ang tahanan ng single parent na si nanay Delia Verzo ng Marikina City nang manalasa ang bagyong Ulysses . Upang maipaayos ang kanilang sahig at magkaroon ng kaunting puhunan humingi ng tulong si nanay Delia sa programang Serbisyong Bayanihan.
Bagama’t 10 ang anak ng byudang si nanay Delia, ang ilan sa mga ito ay mayroon nang kanya kanyang pamilya. Mayroon din siyang anak na inaaalagaan dahil ito’y PWD at dialysis patient.
Natugunan ang hiling ni Nanay Delia sa pamamagitan ng programa at ng tulong mula sa MCGI – New Zealand Chapter.
Tinawagan naman ni Kuya Daniel Razon ang single mother na si nanay Merly Salvador ng Baliuag Bulacan. Natuwa si Kuya Daniel dahil humiling si nanay Merly ng kaunting puhunan hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kaniyang kapitbahay na hirap sa buhay.
“Napakagandang marinig na ang kanyang kapitbahay ay nagmamalasakit sa kanyang kapitbahay,” ani Kuya Daniel Razon.
Mula naman sa live commenter ng programa, tinawagan ang single mom na si nanay Alma Ambrog ng Tumana Marikina City. Maagang naulila ang 2 anak ni nanay Alma dahil namatay na ang kaniyang asawa.
Humiling siya ng kaunting puhunan upang makapagtinda ng fishballs at kikiam at ng tablet para sa pag aaral ng kanyang 2 anak.
(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)