Mga Senior Citizen at PWDs, maaari nang magtrabaho sa ilang fast food companies sa Maynila

by Erika Endraca | August 26, 2019 (Monday) | 5190

MANILA, Philippines – Maaari nang magtrabaho sa mga fast food companies sina lolo at lola maging ang mga may kapansanan sa Maynila.

Ito ay matapos pirmahan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang memorandum of agreement kasama ang Jollibee Foods Corporation na nagbibigay ng oportunidad sa mga senior citizen at Persons With Disability (PWDs) na makapagtrabaho bilang service crew.

Sa ilalim ng kasunduan, tatanggap ang bawat branch ng mga fast-food companies na Jollibee, Chowking, Mang Inasal at Greenwich sa maynila ng dalawang senior citizen at isang PWD.

Upang makapag-apply, pumunta sa Manila Public Employment Service Office sa Manila City Hall para sa paunang interview at profiling.

Sasailalim sa medical tests ang mga aplikante sa ospital ng Maynila at ang mga papasa bilang “fit to work” ang mabibigyan ng rekomendasyon upang tumuloy na makapagtrabaho.

Sa loob ng 5 araw kada Linggo, hanggang 4 na oras lamang kada araw ang pwedeng gugulin ng mga Senior Citizen na empleyado habang hanggang 8 oras naman para sa PWDs.

Maaari silang maging Customer Relations Staff o ‘yung mga trabahong kinakailangan ng pag-assist sa mga customer at hindi sa mga mabibigat at delikadong trabaho katulad sa Comfort Rooms (CR).

Samantala, sa kanilang trabaho, maaari silang kumita ng mahigit P5,000 kada buwan.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,