Mga sakop ng travel restrictions ng Pilipinas, nadagdagan pa ng 6 na bansa

by Erika Endraca | January 7, 2021 (Thursday) | 2064

METRO MANILA – Nadagdagan pa ang listahan ng mga bansang sakop ng travel restrictions na ipinatutupad ng gobyerno.

Layon nitong mapigilan ang pagpasok sa Pilipinas at pagkalat ng pinangangambahang UK variant ng Coronavirus.

Kabilang na dito ang mga bansang Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil.

Ibig sabihin, bawal munang makapasok sa bansa ang mga foreign passenger na galing sa mga bansang ito at epektibo ito mula January 8, 2021 hanggang January 15, 2021.

Nangangahulugan itong mayroong travel restrictions ang Pilipinas na pinaiiral laban sa 27 bansa sa mundo.

Samantala, maaaring pa ring makauwi sa bansa ang mga Pilipino galing sa mga bansang ito subalit required silang sumailalim sa absolute facility-based na 14-day quarantine period.

Bukod dito, simula rin sa January 8, 2021, lahat ng menor de edad na mga Pilipino na walang kasama, at galing sa mga bansang may travel restrictions ang Pilipinas, ay di muna papayagang makapasok ng bansa hanggang January 15, 2021.

Maliban na sa mga minors na balik-bansa sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan.

Ang mga repatriated minors naman ay ite-turn over sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) house parent at makikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa seguridad nila at iba pang quarantine protocols.

Ang mga walang kasamang menor de edad naman at hindi kabilang sa repatration program na darating sa bansa bago ang January 8, itu-turn over din sa otorisadong DSWD officer.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,