Aprubado na ng DOJ ang pagsasampa ng mga kaso laban sa dalawang recruiter ni Mary Jane Veloso na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Sa resolusyong inilabas ng DOJ, nakitaan ng sapat na basehan upang kasuhan ng illegal recruitment at estafa sina Sergio at Lacanilao.
Ayon sa DOJ, sapat na ang pag amin ni Lacanilao na ipinakilala niya si Mary Jane kay Sergio na nangako namang bibigyan ito ng trabaho bilang domestic helper sa Malaysia upang makasuhan sila ng illegal recruitment.
Pasok din sa estafa ang paghingi nina Sergio at Lacanilao ng 20-thousand pesos kay Veloso bilang placement fee sa ipinangako nilang trabaho na hindi naman pala totoo.
Pinakakasuhan din ng qualified trafficking ang dalawa pati na ang aprikanong si alyas Ike.
Si alias “Ike” ang nakipagkita kina Sergio at Veloso sa kanilang tinuluyang hotel sa Selangor, Malaysia noong 2010.
Ito rin ang nagbigay ng maletang naglalaman ng mga droga na ibinigay kay Mary Jane upang ibyahe patungong Indonesia.
Ayon sa abogado ng pamilya Veloso na si Atty Edre Olalia, napapanahon nang ilabas ng DOJ ang resolusyon bagaman malayo pa aniya ang pagdaraan upang makamit ang hustisya para kay Mary Jane.
Inaasahang maisasampa na bukas sa Nueve Ecija Regional Trial Court ang mga kaso laban sa mga recruiter ni Veloso.
Agad naman itong ipararating ng malakanyang sa pamahalan ng Indonesia upang makatulong sa kaso ng pinay drug mule.
Kasunod ito ng mga balitang baka ituloy na ng indonesia ang pagpapatupad sa parusang kamatayan kay Veloso.