Mga programa ng OVP kontra kahirapan, inilunsad sa Lambunao, Iloilo

by Radyo La Verdad | January 9, 2017 (Monday) | 2940

vincent_inilunsad
Binisita ni Vice Presidente Leni Robredo noong ang bayan ng Lambunao, Iloilo upang ilunsad ang ilang proyektong nakapaloob sa kanyang “Angat Buhay” program.

Kabilang na dito ang champion farmer program kung saan sasailalim sa anim na buwang training sa mentoring at skills application program ang mga magsasaka upang mahasa ang kanilang mga kakayahan.

Hanggang 200 magsasaka ang target na mapasailalim sa program ngayong taon.

Samantala, kasama ring inilunsad sa lambunao ang isang feeding program para sa stunted children o mga batang kulang sa laki at nutrisyon gayundin at ang pagpapagawa ng play gardens sa bawat barangay.

Katuwang ang Negrense Volunteers for Change Foundation, layunin ng feeding program na mabigyan ng sapat na nutrisyon ang mahigit sa 700 na malnourished na sanggol at mga bata sa loob ng dalawang buwan.

Ang play garden naman ay kombinasyon ng playground at garden na magsisilbing recreational at learning area para mga bata at komunidad.

Ang bayan ng Lambunao ay isa lamang sa 50 pilot municipalities sa bansa na napili para sa Anti-Poverty Program ng OVP.

Inihayag naman ng OVP na madaragdagan pa ang mag benepisyaryo ng programa dahil may second batch pa ito sa Oktubre.

(Vincent Arboleda / UNTV Correspondent)

Tags: , ,