Nais ni Senator Francis Escudero na siyasatin ang halos sampung bilyong pisong inilaan ng pamahalaan para sa pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Summit sa bansa.
Ayon kay Escudero, mahalagang malaman ng mga pilipino kung saan napunta ang pondo at kung ano ang makukuhang pakinabang ng bansa mula sa napakalaking pagtitipon.
Dumalo sa summit ang dalawampu’t isang lider at mga kinatawan ng APEC-Member Economies at ginastusan ng pamahalaan ang pagsasaludar sa mga ito sa iba’t ibang hotel sa Metro Manila.
Sinabi naman ni Sen. Grace Poe na maganda ang pagsasagawa ng APEC Summit sa bansa ngunit dapat ay pinaghandaan ito ng mabuti sa aspeto ng transportasyon at imprastraktura.
Magugunitang noong lunes, libo-libong commuter ang na-stranded dahil sa kawalan ng masasakyan; nagpatupad rin ng stop and go scheme sa Edsa at isinara ang ilang kalsada kaya naipit sa mabigat na traffic ang maraming motorista.
Una nang humingi ng paumanhin ang Philippine National Police dahil sa naranasang mabigat na traffic at road closures na bahagi ng security measures para sa APEC Summit.
Nagpatupad rin sila ng mahigpit na pagbabantay sa mga lansangan at APEC Venues kasunod ng serye ng pag-atake sa Paris, France noong biyernes.
Inaasahang babalik sa normal ang daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila pagkatapos ng APEC Summit sa biyernes. (Sherwin Culubong/UNTV News)