Mga petisyon upang pilitin ang kongreso na magdaos ng joint session hinggil sa Martial law declaration, ipinadi-dismiss ni Solgen Jose Calida

by Radyo La Verdad | June 27, 2017 (Tuesday) | 1428


Sinagot na ni Solicitor General Jose Calida ang dalawang petisyon sa korte suprema na humihiling na utusan ang kongreso na magdaos ng joint session at alamin kung may batayan ang deklarasyon ng Martial law sa Mindanao.

Sa kanyang comment na isinumite sa S.C., hiniling ni Calida na i-dismiss ang magkahiwalay na petisyon nina dating Senador Bobby Tañada at ng grupo ni Senador Leila de Lima.

Katwiran ni Calida, walang kapangyarihan ang korte suprema na utusan ang kongreso bilang kapantay na sangay ng pamahalaan.

Malinaw aniya na hindi dapat panghimasukan ng korte kung paano gagawin ng senado at kamara ang kanilang trabaho.

Wala rin aniyang sinasabi sa konstitusyon na obligasyon ng kongreso na magdaos ng joint session.

Sabi pa ni Calida, obligado lamang ang Senado at Kamara na magbotohan kung babawiin o palalawigin ang Martial law.

Hindi aniya maituturing na pagmamalabis sa kapangyarihan ng Senado at Kamara ang pagtanggi ng mga ito na magdaos ng joint session.

Nagpahayag na rin aniya ng kanilang suporta sa deklarasyon ng Pangulo ang dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sa huli ayon kay Calida, lagpas na sa itinatakda ng saligang-batas kung pipilitin ang Kongreso na magdaos ng joint session bukod pa sa hindi naman ito kinakailangan.

(Roderic Mendoza UNTV News Reporter)

Tags: , ,