Mga petisyon laban sa martial law extension, dininig sa oral arguments ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | January 17, 2018 (Wednesday) | 5475

Nanindigan ang mga petitioner na hindi na dapat palawigin pa ang batas-militar sa Mindanao dahil wala itong basehan at labag na sa konstitusyon.

Katwiran nila sa oral arguments kahapon, tapos na ang rebelyon ng Maute-ISIS na naging dahilan ng deklarasyon ng batas-militar. Wala rin anilang aktwal na rebelyon o pananakop doon kayat kalabisan nang palawigin pa ang martial law ng isang taon.

Mismong ang constitutionalist na si Atty. Christian Monsod na ang nagpaliwanag sa mga mahistrado na hindi ganito ang orihinal na intensyon ng mga nagsulat ng 1987 constitution.

Para kay Monsod, huling solusyon na ang batas-militar at dapat lamang itong pairalin kung talagang hindi na gumagana ang pamahalaan. Pagkakataon aniya ito ng Korte Suprema na baguhin ang kanilang desisyon noong Hulyo na nagsasabing may basehan ang batas-militar sa Mindanao.

Pero ayon kay Solicitor General Jose Calida, dati nang sinabi ng Korte Suprema na may basehan ang proklamasyon ng batas-militar sa Mindanao.

Dalawang bagay lamang aniya ang hinihingi ng Saligang-Batas upang palawigin pa ito, una ay kung patuloy ang rebelyon at pangalawa, kung kailangan ito para sa seguridad ng taong-bayan. Nasa kapangyarihan na aniya ito ng kongreso.

Nangangamba naman si dating Solicitor General Florin Hilbay, na ipagpaliban ang halalan sa Mindanao dahil sa umiiral na batas-militar.

Kayat para kay Hilbay, kung maayos namang gumagana ang pamahalaang sibil sa Mindanao, walang dahilan ang Pangulo upang magdeklara ng batas-militar.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,