Mga petisyon kontra “war on drugs”, layong pabagsakin ang Duterte Administration – Solicitor General

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 3621

Bilang abogado ng pamahalaan, hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa mga mahistrado na i-dismiss ang mga petisyon laban sa war on drugs dahil layon lamang aniya ng mga ito na i-destabilize ang kasalukuyang administrasyon.

Katwiran ni Calida, hinihiling kasi sa mga petisyon ng Free Legal Assistance Group at Center for International Law na pagbawalan ang pulisya na sundin ang utos ng Pangulo patungkol sa kampanya kontra droga.

Ayon kay Calida, nanghihikayat ito ng pagsuway sa Pangulo at gagawin nitong inutil ang mandato ng pulisya na ipatupad ang batas at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.

Sinabi pa ni Calida na hindi dahilan ang pang-aabuso ng ilang mga pulis upang ideklarang labag sa saligang-batas ang kampanya kontra droga ng pamahalaan. Ang tamang gawin, ayon kay Solgen Calida ay parusahan ang mga umabuso sa kanilang tungkulin.

Sa pagtatanong ni Justice Marvic Leonen, itinanggi ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na iniutos niya ang pagpatay sa mga drug suspects.

Paliwanag niya, marami ang ibig sabihin ng pag-“neutralize” ng mga drug suspects. Maaaring ito ay pagkaaresto, pagsuko o pagkamatay ng suspek sa isang lehitimong operasyon.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,